Xyriel Manabat, no regrets sa buhay nang mag-break muna sa showbiz

Naniniwala ang dating child star na si Xyriel Manabat na “no regrets” dapat sa buhay.

Nasa huli ang pagsisi ang isang sikat na kasabihan. Pero para sa aktres na si Xyriel Manabat, “no regrets” dapat sa life.

“Super, duper happy nga ako sa work, sa career, tapos may na-miss ako o one day look back ako, ‘Ay sayang.’ Ayoko ng regrets,” ang sabi ng dating ABS-CBN child star sa ulat ng PhilStar.com.

Kaya sa isang punto ay nag-break muna siya ng ilang taon sa kanyang showbiz career para mamuhay ng “normal” na tao, at masayang masaya siya na ginawa niya ito.

“So ‘yun po. Gusto ko stable ‘yung sa career ko, but at the same time, ma-balance ko ‘yung sa normal life ko na, at one point in my life, naging normal akong tao. Pumupunta ako sa SM hindi para sa work. Pupunta ako sa SM na dadaan lang ako. O pupunta ako sa school kahit walang pasok. Tatambay lang,” paliwanag niya.

Noong pansamantalang tumigil sa pag-aartista, nasubukan ni Xyriel ang magtinda ng mga fish ball at fries.

“Lahat ng pwede kong matutunan: nag-bike, nag-luto, nag-bake, namalengke, nag-jogging. Sumama sa pagtitinda, nag-tinda ng fishball, fries. Tumulong kay mama maghimay ng saging. Tumambay, maglipas ng buong araw sa kwarto. Mag-print ng napakaraming walang kwentang papel,” sabi pa niya.

Ngayon, busy na ulit si Xyriel sa showbiz matapos mamahinga ng anim na taon. At napatunayan niya na hanggang ngayon wala pa rin kupas ang kanyang galing sa pag-aarte simula nung sumikat siya bilang batang Anna Manalastas sa “100 Days to Heaven,” nang makasama siya sa cast ng “Senior High” na pinagbibidahan din ng mga dating child stars na sina Zaijian Jaranilla at Andrea Brillantes.