Pinakawalan sa karagatan ng bayan ng Tukuran sa Zamboanga del Sur ang 37 Olive Ridley turtle hatchlings nitong Hulyo 16 para ipagdiwang ang World Sea Turtle Day.
Pinangunahan ang inisyatibong ito ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Ramon Magsaysay kasama ang Office of the Municipal Environment and Natural Resources ng Tukuran, ayon sa Department of Environment and Natural Resources Region 9.
Unang nakita ang mga marine turtle hatchlings noong Hunyo 24 malapit sa bahay ng isang residente ng lugar. Agad namang nilipat ang mga ito sa pag-iingat ng Bantay Dagat.
Dumaan naman sa examination at verification ang mga baby turltes bago sila pinakawalan sa dagat.
Ayon sa DENR, isa sa limang uri ng marine turtles ang Olive Ridley na makikita sa iba’t-ibang karagatan ng bansa.
Idineklara na rin itong endangered species dahil na rin sa pagbabagong ginagawa sa mga pampang, pagkuha sa itlog ng mga ito at ang pagkagambala ng kanilang mga natural habitat.