Winner pa rin! Baao Children-Youth Choir, itinanghal na kampeon sa Spain kahit walang national costume

Hindi naging hadlang ang pagka-stranded ng kanilang costume sa Dubai para masungkit ng Baao Children-Youth Choir ang first prize sa naganap na 29th Certamen Internacional Juvenil de Habaneras sa Torrevieja, Spain.

Hindi man nai-flex ang hinandang costume, wagi pa rin ang Baao Children-Youth Choir (BCYC) sa naganap na kompetisyon sa Torrevieja, Spain kamakailan.

Inuwi ng choir ang first prize mula sa 29th Certamen Internacional Juvenil de Habaneras nitong Abril 20, kung saan kinanta ang apat na piyesa: ang “Habaneras De Sal,” “A Tu Lado,” “Verde Mar” at “Regina Coeli.”

Winner pa rin ang grupo na binubuo ng mga estudyante ng Baao High School Special Program in the Arts at Rosary School sa Camarines Sur kahit na hindi umabot ang mga isusuot na national costume sa kompetisyon dahil na-stranded ang kanilang mga bagahe sa Dubai.

“We arrived in Barcelona from Manila without our checked-in luggage because of the chaos happening at the Dubai Airport after the strongest typhoon that hit them two days prior to our transit. Pardon our ‘costume’ during the competition,” ayon sa BCYC sa Facebook page nito.

Ang mga jacket na dinonate ng iLab Diagnostix ang naging saving grace anya ng grupo kaya malaki ang kanilang pasasalamat sa kanilang donors.

Ang kanilang tagumpay ay sa ilalim ng baton ng 20-anyos na conductor na si Emmanuel Ramos II, kinikilalang pinakabatang Pinoy choir conductor na nanalo sa international competition.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon ng BCYC na manalo sa nasabing kompetisyon. Nasungkit rin nito ang first prize noong 2012 sa ilalim naman ni Virgilio Briones.