Walang uuwing luhaan sa mga atletang kasama sa delegasyon para sa 2024 Paris Olympics dahil hindi pa man sila sumasalang sa kompetisyon ay makakakuha na sila ng mga freebies mula sa sponsors ng palaro. Isa na dito ang Samsung.
Ayon sa ulat ng Athlete365, ipinasilip ng Korean phone manufacturer ang Galaxy Z Flip6 Olympic Edition na sinadyang gawin para lamang sa mga atletang lalahok sa Olympics. Nasa 10,500 na mga atleta ang naitala para sa Paris Olympics.
Maliban sa kakaibang disenyo nito sa karaniwang modelong ibinebenta ng Samsung, mayroon din itong pre-loaded na mga AI at apps na makakatulong sa mga atleta habang sila ay nag te-training para sa kanilang mga events.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagbigay ang mga sponsors ng mga libreng gadgets at gear para sa mga atleta. Karaniwan itong ginagawa ng mga brands upang ma-promote ang kanilang mga produkto at bigyan ng pabuya ang mga atletang nagdadala ng karangalan sa kani-kanilang bansa.