Ang pagpapari ay maituturing na isang bokasyon na hindi para sa lahat. Ngunit kapag ang Panginoon ang tumawag, mahirap itong tanggihan. Ganito ang naging desisyon ni Edoardo Santini, isang 21 taong gulang na modelo na tinaguriang pinakamagandang lalaki sa Italya noong 2019.
Ayon sa isang ulat ng Catholic News Agency, inanunsiyo ni Santini ang kanyang plano na magpari sa isa nitong video.
Aniya, naging mapalad siya na nakakilala siya ng mga taong nagpakita sa kanya kung paano ang mga tao ay maaari ding maging Simbahan para sa iba. Sila din ang nagpamulat sa kanya sa mga kasagutan na kanyang hinahanap mula noong siya ay bata pa.
“Living in God doesn’t mean locking yourself inside the church but rather living one’s life more fully,” sinabi niya sa kanyang Instagram account.
Aniya, hindi naging madali ang kanyang naging desisyon dahil maging ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay umasa sa ibang landas para sa kanya. Bago magdesisyon na magpari, gumawa ng pangalan si Santini bilang modelo, atleta at dancer.
Sa kabila nito, nanatili siyang payapa sa kanyang tatahaking landas dahil alam niya sa kanyang sarili na hindi siya dapat magpaapekto sa sasabihin ng ibang tao at wala siyang dapat patunayan sa mga ito.
Aniya, ang mas mahalaga ay maging bukas sa kagandahan at kapayapaan na matatagpuan sa Simbahan sa piling ng Panginoon.