Walang makakapigil! Tatay na may polio, proud na gumapang sa stage para samahan ang anak na nagtapos ng kinder

Hindi sagabal ang kapansanan para sa isang amang may polio para maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang nag-iisang anak na babae.

All smiles at proud na gumapang sa stage si Jefferson Octaviano para samahan ang kanyang nag-iisang anak na babae na si Jennifer sa kindergarten moving-up ceremony nito sa Colongulo Elementary School sa Surallah, South Cotabato kamakailan.

May polio man si Octaviano, kailanman ay hindi ito umasa kahit kanino o namalimos para masuportahan ang pag-aaral ng kanyang 7-anyos na anak.

“Proud siya kasi nakapagtapos siya ng anak kahit kinder pa lang. Ang source of income niya pagugupit [barbero]…minsan nag ga-garden din siya [ng mga gulay] para pandagdag sa kita. Ayaw niya na manlimos,” ayon kay Dyna Jean Octaviano Terenia, pamangkin ni Octaviano, sa panayam ng 95.7 Brigada News FM.

Si Terenia ang nag-upload ng video sa Facebook na kasamang dumalo sa moving-up ceremony ng kanyang pinsan.

Pangako naman ni Octaviano, na iniwan na ng asawa, na gagawin niya ang lahat para makapagtapos ang anak hanggang kolehiyo.

Mensahe niya sa anak, “mag-aral ng mabuti Tin, kahit na gumagapang si papa mo, mag-aral ka lang ng mabuti para makapagtapos ka.”