Wais na Pinoy! Ilonggo, ginagamit ang labhang para pababain ang bill sa kuryente

Isang ilonggo ang nakadiskubre ng solusyon gamit ang labhang o rice husks para makaiwas sa mahal na bill sa kuryente.

Mahal na bill sa kuryente? May abot-kayang solusyon ang 38-anyos na lalaki na taga Bago City, Negros Occidental gamit lamang ang “labhang” o rice husks.

Sinimulang gamitin ni Joel Catalbas, isang gradweyt ng maritime transportation sa Visayas Maritime Academy, ang labhang bilang power generator nang matanggap niya ang napakataas na bill ng kuryente sa kanyang computer shop noong 2018.

Ayon kay Joel, umabot sa Php 25,000 ang singil sa kuryente at dahil dito, naghanap siya ng paraan na maka-menos sa gastusin.

“Syempre bilang negosyante, savings na sana (if mura ang binabayarang kuryente). Nagresearch ako at nakita ko ang solar. Okay naman ang solar kaso wala akong milyon (na pera) at that time (na pambili ng solar). Research lang ako ng research hanggang sa nakita ko ‘yung ganito (labhang power generator),” ani Joel sa panayam ng Digicast Negros.

Pag naipasok na ang kilo-kilong rice husks sa gasifier, nakakalikha ito ng 8.5 kilowatts na kuryente na kayang magpa-ilaw ng 20-watts na bumbilya sa 400 na kabahayan. Sa loob ng 14 na oras, nasa 10 na sako na labhang lamang ang magagamit. Tumulong naman ang kilalang imbentor ng Bacolod City na si Ramon Uy Sr. ng Ru Foundry and Machine Shop para mas madevelop pa ang rice husk gasifier na gamit ni Joel. Makakatulong daw sa mga magsasaka ang kanyang generator pag-brownout dahil pwede nila itong magamit sa pagiling ng palay. Ginagawa rin na abono ang labhang na lumalabas sa gasifier at pwede rin itong gamitin na alternatibo sa uling bilang pangluto. Balak naman ng dalawa na magbenta ng nasabing gasifier lalo na’t napakataas ng singil ng kuryente ngayon.