Wagi si Queen P! Pia Wurtzbach, kinilala bilang Global Fashion Influencer of the Year sa Dubai

Paparangalan si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa gagawing 2024 EMIGALA Fashion and Beauty Awards sa Dubai sa April 27-28.

Kinilala bilang isa sa mga winners ng 2024 EMIGALA Awards si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, na tatanghalin bilang Global Fashion Influencer of the Year sa susunod na linggo.

Matatanggap ni Pia ang parangal sa gagawing EMIGALA Fashion and Beauty Awards sa Festival Bay, Dubai Festival City Mall sa April 27 at 28.

Kasama ni Pia sa mga paparangalan ang Chinese actress na si Fan Bingbing, na tinanghal naman ng grupo bilang Global Fashion Icon of the Year.

Nahagip si Pia ng mga trendspotters matapos dumalo sa iba’t ibang shows ng mga fashion houses sa Milan at Paris simula noong nakalipas na taon. Matatandaang pinuri ng kanyang asawa na si Jeremy Jauncey ang pagpupursigi ni Pia, at makilala sa larangan ng fashion.

Noong 2020, kinilala na rin si Pia bilang Woman of the Year ng luxury travel magazine na Xpedition.

Kinikilala ng EMIGALA ang iba’t ibang mga Arab at international talent sa taunang patimpalak nito. Noong 2021, binigyan na rin nila ng parangal ang mga Dubai-based Filipino designers na sina Michael Cinco at Furne Amato para sa kanilang mga ambag sa larangan ng fashion.