Wagi ang ‘Islang Pantropiko!’ Alas Pilipinas, nag-ala-BINI matapos ang bronze medal win sa 2024 Asian Women’s Volleyball Challenge Cup!

Humataw ang Alas Pilipinas sa tugtog ng "Pantropiko" matapos masungkit ang bronze medal sa 2024 Asian Women's Volleyball Challenge Cup.

Kung ang mga taga New Zealand ay may Haka dance bago sila sumabak sa basketball, rugby, o football, may iba namang trip ang Pilipinas.

Ito ay matapos humataw ang ilang myembro ng Alas Pilipinas ng patok na kanta ng Pinay pop group na BINI na “Pantropiko” nang masungkit nila ang bronze medal sa kakatapos lang na 2024 Asian Women’s Volleyball Challenge Cup.

Sa post ng ilang mga netizens, kitang-kitang sina Jennifer Nierva, Sisi Rondina, Angel Canino, Arah Panique, Eya Laure, Julia Coronel, at Thea Gagate na todo-bigay sa pagsayaw ng “Pantropiko” sa gitna ng volleyball court.

“After clinching their first-ever podium finish in the AVC, 🥉 Alas Pilipinas entertain fans with their version of Bini’s Pantropiko,” sabi ng isang netizen na nanuod sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

Sa isa pang kuha ng netizen, makikita na ang mga myembro mismo ng Alas Pilipinas ang humiling na patugtugin ang tila “anthem” ng bansa sa ngayon.

Sa video na kuha ng netizen, makikita si Angel Canino na ilang ulit nagsabi ng “BINI” sa nagpapatugtog sa arena.

Tuwang-tuwa naman ang mga netizens sa kakaibang selebrasyon ng national women’s volleyball team.

Tinalo ng Alas Pilipinas kahapon ang Australia sa pamamagitan ng straight sets, 25-23, 25-15, 25-7, upang mapanalunan ang bronze medal sa tournament.