Wagi! 9-anyos na beki, tinaas ang bandila ng LGBTQIA sa isang drum and lyre competition sa Albay

Isang batang miyembro ng LGBTQIA community ang kinaaliwan sa kanyang mala-dyosang performance level sa naganap na drum and lyre competition sa Pio Duran, Albay bilang bahagi ng Tinapa Festival.

Tinilian at kinaaliwan ang isang siyam na taong gulang na batang miyembro ng LGBTQIA dahil sa kanyang mala-dyosang performance level sa naganap na drum and lyre competition sa isang bayan sa Albay kamakailan.

Kinilala ang bata na si Rvince Faustino, miyembro ng drum and lyre corps ng Don Jose Pavia Central School (DJPCS) kung saan siya ay nag-aaral, na siyang tinanghal na kampeon sa elementary category ng nasabing contest na bahagi ng Tinapa Festival ng Pio Duran.

Para sa grupo at kanyang paaralan, si Rvince at isa pang kasamahan nito na miyembro rin ng LGBTQ community anya ang nagdala sa pagkapanalo nila.

Obvious din naman dahil sa isang video na nakunan ng isang nanood ng kumpetisyon na si Acel Morauda Bodigon-Nerbes, makikitang si Rvince ang crowd favorite at hinihiyawan at pinapalakpakan ng audience sa kanyang bawat kembot.

“Nagpapasalamat po ako sa tita ko po at sa mama ko dahil pinasali po [ako] sa majorette. Masaya po ako na nakasali ako rito,” ani Rvince sa isang panayam ng Bicoldotph.

Matagal na anya na pangarap ni Rvince na makasali sa kakaibang contest tulad ng kumpetisyon na naganap, kwento ng kanyang ina.

“Sobrang proud [ako] kasi laging siya ang binabanggit doon pa lang sa mga ka-banda niya na si Rvince ang nagpa-panao sa kompetisyon, kaya sobrang nakakatuwa na buong puso siyang tinanggap ng mga tao,” dagdag pa ng ina.

Para sa titser naman ng bata na si Katrina Joyce Bronxal, naging opportunity din ang pagsali ni Rvince sa kompetisyon na maipakita ang gender equality sa mga batang katulad niya.

Sa mga naging instant fans naman ni Rvince, masusulyapan muli ang kanyang kakaibang level na performance  sa darating na Magayon Festival kung saan magpapakitang gilas muli ang grupo.