Napatunayan ni JV Ambrosio, ang viral na Angkas rider-engineering student, na kapag may tiyaga, may nilaga. Hindi na niya kailangang mag-alala pa sa kanyang mga bayarin sa tuition fee dahil sagot na ito ng Angkas.
Sa ulat ng Inquirer.net, ibinahagi ni Angkas CEO George Royeca ang kanilang suporta kay JV.
“We set out this mission to really help uplift lives and ultimately, what we want to do is for people to help themselves. Everything that JV is doing right now–going to school, taking care of his family, and being an Angkas biker on the side, is really the accomplishment of our mission. We are so proud of him,” ani Royeca na lubos ang tuwa sa dedikasyon ni JV.
Laking tuwa naman ni JV, na nasa ikatlong taon na sa kursong electrical engineering sa University of the East-Caloocan, sa hindi inaasahang malaking blessing na dumating sa buhay niya. “Maraming salamat sa oportunidad na nagkaroon ako, sa mga natutunan ko, sa experience, sa lahat. Dahil sa Angkas, marami akong nagawa sa buhay ko na never kong nakita sarili ko na magagawa ko. Maraming salamat, Angkas for bringing out the best in me,” saad ni JV. Nilinaw naman ni JV na kahit naging viral noon ang kanyang larawan, hindi siya humingi ng kahit anong donasyon. Sa halip, patuloy siyang kumakayod para suportahan ang sarili pati ang pamilya. Ang larawan na tinutukoy niya ay ang pinost noon ng kanyang kaklase na si Nick Derrick Lacson na kung saan ay makikita siyang sumasagot ng exam na naka Angkas t-shirt pa. Kwento niya, dumiretso siya agad sa eskwela para kumuha ng exam matapos tumanggap ng biyahe sa Angkas.