UTOL, ang bagong ‘kasama’ sa pag-commute ng mga Pinoy sa Metro Manila!

Inilunsand kamakailan ang UTOL, ang bagong ride-hailing app na naglalayon na maibsan ang madalas na commuter struggle sa Metro Manila.

May bagong “utol” ang mga Pinoy na madalas kalbaryo ang pagko-commute sa Metro Manila.

Inilunsad kamakailan ang bagong ride-hailing app na Unified Transport Operations League o UTOL, na naglalayon na bigyan ang riding public ng mas murang opsyon ng transportasyon.

Nagsimula nang umarangkada ang UTOL sa mga piling lugar sa Metro Manila tulad ng Quezon City, Makati, Parañaque at Alabang sa Muntinlupa City matapos makapag-enroll ng 600 drivers at operators sa nasabing ride-hailing app, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

“Ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) kasi, may tinatadhana na rate ng surge. Masama kasi na sumobra ka doon, pero kung mas mababa ka doon, mas maganda para sa mga mananakay,” ayon kay Orly Ocampo, ang head ng legal department ng UTOL.

Anya, makakatulong din ang bagong app na inilunsand noong May 8 sa mga jeepney drivers na apektado ng jeepney modernization dahil welcome sila mag-apply sa UTOL.

“Isang malaking opportunity yan sa UTOL na makatulong sa ating mga kababayan na jeepney drivers, welcome sila sa UTOL. Lahat yan ay bibigyan natin ng opportunity na magkaroon ng trabaho,” ayon pa sa kumpanya.