Hindi na kailangang magtungo ng ibang probinsya sa Mindanao ang mga taga-Davao para makapag-aral ng kursong medisina sa isang pampublikong pamantasan sa susunod na taon matapos i-anunsyo ng University of the Philippines (UP) Mindanao na bubuksan na nito ang kanilang medicine program simula 2025.
Maliban sa medicine program, ilulunsad rin ng UP Mindanao ang mga programa sa civil engineering, entrepreneurship, at master’s programs sa Quantitative Methods & Modelling, at Biology, ayon sa isang pahayag ng pamantasan.
“UP has a mandate of public service, so here in Mindanao, we hope to build local capacities and expertise in order to have the greatest impact on long-term development,” sinabi ni UP President Angelo Jimenez sa isang pahayag.
“There is a need to update the current admissions system to ensure that Filipinos, especially the most marginalized, have greater access to quality education,” dagdag pa ng opisyal.
Kasabay ng pagbubukas ng programa ang kick-off ng Road to 5K agenda ng UP Mindanao kung saan target nitong itaas ang bilang ng mga mag-aaral sa pamantasan sa 5,000 sa 2029.