Unahan na naman sa tickets! Academic symposium tungkol kay Taylor Swift ikinasa sa Australia

Iba talaga ang impact ni Taylor Swift at maging ang mga akademiko ay gustong pag-aralan ang kaniyang karera.

Sakalam talaga ang peg ni Taylor Swift dahil kahit sa academic community ay patok na topic ang sikat na “Red” singer na gagawing highlight ng isang symposium ng University of Melbourne.

Ang event na tinawag na “Swiftposium 2024” ay gaganapin mula Pebrero 11-14 sa susunod na taon upang tumalakay sa iba’t ibang “academic disciplines” na konektado sa global superstar.

Patok din ang kategoryang itinalaga para sa iba’t ibang disiplina na tila may hugot tulad ng sa mga awitin ni Taylor. Nariyan ang “You know I adore you, I’m crazier for you” tungkol sa kanyang fandom. Mayroon ding “This city screams your name” kung saan tatalakayin ang impact ng kanyang global tours sa ekonomiya at kultura.

Ang “Shade never made anybody less gay” ay patungkol naman sa LGBTQ+ habang ang “Who knows, if I never showed up, what could have been” at tungkol naman sa kanyang kasikatan at tagumpay. Ilan lamang ito sa mga kategoryang pwedeng lahukan ng mga iskolar na nagsulat ng research tungkol kay Taylor Swift.

Kaugnay nito, naglabas na ng call for academic papers ang mga organizer ng symposium.

Bukod sa pagiging sikat na singer at songwriter, aktibo din si Swift sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga artists, lalo na nang ipaglaban niya ang karampatang pagbabayad ng royalties ng mga streaming platform sa mga songwriters at mang-aawit.

Hindi rin niya inatrasan ang hamon nang ipaglaban niya ang pag-aari ng kanyang musika matapos itong ibenta ng naunang record label kay Scooter Braun na nagbunsod sa kanyang maglabas ng panibagong bersyon ng kanyang mga awitin.