Turingang mag lolo ni Kathryn Bernardo at Ronaldo Valdez nagpaiyak sa mga fans

Umantig sa damdamin ng mga fans ang interaksyon nila Ronaldo Valdez at Kathryn Bernardo sa premiere ng pelikula nito.

Mukhang “A Very Good Girl” talaga sa totoong buhay ang Kapamilya star na Kathryn Bernardo tulad ng title ng pinakabago niyang pelikula.

Paano naman kasi, love na love siya ng kanyang onscreen lolo na si Ronaldo Valdez na dati niyang nakasama sa teleseryeng “2 Good 2 Be True.”

Maraming fans ang napa “awww” nang makita ang batikang aktor na umattend ng premiere ng pelikula ni Kath at ang mahigpit na congratulatory hug na ibinigay nito sa dalaga na humabol pa sa kanya para batiin siya habang nasa sasakyan na.

“Job well done,” ani Ronaldo na nagpasalamat din sa pag-arrange ni Kath para makadalo siya sa event.

Lumuluha din ang dalaga na tuwang-tuwa na nakarating ang kanyang “Lolo Sir” para panuorin ang kanyang pelikula kahit na hirap na itong maglakad. Na-touch din ang mga fans sa effort na ginawa ni Lolo Sir sa red carpet kung saan gumamit na lang ito ng e-bike papasok sa event.

Nangako naman ang dalawa na magse-set sila ng dinner date dahil na miss na nila ang isa’t isa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Ronaldo ang kanyang pagmamahal kay Kath na itinuturing niyang ika-limang apo.

Sa pagtatapos ng kanilang teleserye, umpaw din ang pagmamahalan ng dalawa sa isa’t isa.