Walang mapaglagyan ang tuwa ng isang magulang sa pagtatapos ng kanyang anak. Tulad na lamang ng isang ama na si Rodolfo, na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ngunit nagkaroon ng anak na magna cum laude sa kursong Bachelor of Arts in English Language Studies sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Sa TikTok video ni Keanne Roeh Isurda, makikita si Tatay Rodolfo na bakas ang saya sa achievement ng kanyang anak sa kabila ng hindi niya pagkakaroon ng sariling diploma.
“YEHEYYY!! Kahit hindi ka naka-graduate, daddy, ikaw pa rin ang dabest!! MAHAL NA MAHAL KA NAMIN!!” caption ni Keanne. “Mahal na mahal ko kayong lahat, daddy!! Lahat ng ito ay para sa inyo!!” dagdag pa niya.
Pero ang mas lalong nagpaantig sa damdamin ng ama ay ang pagpapasuot ni Keanne sa kanya ng mismong toga na isusuot sa kanyang graduation ceremony.
“Pinasuot ko rin sa kanya ‘yung isa sa mga pangako ko sa kanya, ang maka-graduate bilang Magna Cum Laude sa PUP,” sabi ni Keanne.
Syempre, hindi na ito pinalampas ni Tatay Rodolfo dahil sinuot niya dali-dali ang toga at nagpakuha ng selfie.
“sinisigurado niya talagang mapi-picture-an siya hahah,” dagdag pa ni Keanne.
@keanneroeh Mahal na mahal ko kayong lahat, daddy!! Lahat ng ito ay para sa inyo!! 🤍🎓
♬ Through the Years (Instrumental) – Piano Instrumental – Coversph
Matapos ang maiksing “pictorial,” hindi na nito napigilan ang maging emosyonal dahil sa pag-amin niya na frustration niya ang hindi naka-graduate sa pag-aaral.
Bilin pa niya kay Keanne: “Kung ano man ma-achieve mo sa buhay mo, ‘wag mo kalimutan kapatid mo ha.” Pero para kay Keanne, balak pa niya higitan ang sinabi ng kanyang ama.
“Next na promise ko sa’yo na tutuparin ko, daddy, ay mapapa-third floor ko ang bahay, at maiahon ko ang ating pamilya sa hirap ng buhay… promise!” sabi ni Keanne sa kanyang post.