Hindi tumatataas ang risk ng isang tao na magkaroon ng kanser sa utak dahil sa paggamit ng cellphone sa loob ng mahabang panahon, ayon sa isang malawakang pag-aaral ng mga siyentipiko.
Sinundan ng mga researcher ang 250,000 cellphone users, kasama na rin ang mga taong gumagamit nito ng mas mahabang oras kumpara sa karaniwan, sa loob ng 17 na taon.
Ayon sa resulta ng pag-aaral, na pinangunahan ng Imperial College London at Karolinska Institute ng Sweden, wala silang nakitang kaugnayan sa pagtaas ng risk na magkaroon ng brain cancer sa paggamit ng cellphone sa mahabang panahon, ulat ng Daily Mail.
Matagal na umanong haka-haka na delikado sa kalusugan ng tao ang exposure sa electromagnetic waves na nagmumula sa cellphone.
“This is the world’s largest multinational long-term study [of its kind]. We found no evidence that long-term or heavy mobile phone use is associated with the risk of common brain tumours,” isinulat ni Professor Paul Elliott ng Imperial College.
“People today also spend far less time with their phone to their head and more time on video calls, social media, and surfing the internet,” paliwanag naman Professor Mireille Toledano, kasamahan ni Elliot sa Imperial.
Dagdag pa ni Toledano na nagbago na rin ang anyo at yari ng mga mobile phone ngayon kumpara noong nagsimula ang pagsasaliksik halos dalawang dekada na ang nakalipas.