‘The True Queen!’ Miss U Iloilo Alexie Mae Brooks, nagbigay pugay sa kanyang Lola Basing

Road to Miss Universe Philippines na ang ganap ni Miss Iloilo Alexie Mae Caimoso Brooks na dating tindera at isa ring atleta ngunit para sa kanya, ang kanyang Lola Basing na nagpalaki sa kanya ang tunay na reyna.

Nasungkit ni Alexie Mae Caimoso Brooks ang korona bilang Miss Iloilo 2024 na kung saan ay humakot din siya ng maraming awards noong Enero 13. Pero ang totoong panalo ayon sa 22-anyos na beauty queen ay ang kanyang Lola Basing na nagpalaki sa kanya.

“The True Queen LOLA BASING 👑🦁💯❤️🔥,” ang post ni Brooks sa X (dating Twitter) bilang pagbigay pugay sa kanyang pinakamamahal na lola.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, balak pala noon na ipamigay na lang si Brooks noong siya ay maliit pa lamang ng mga kamag-anak pero tinutulan ito ng lola niya.

Ang ina ni Brooks ay isang overseas Filipino worker sa Lebanon. Ipinanganak siya sa Metro Manila noong taong 2001. Lumaki siya sa kanyang lola sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Leon, Iloilo. Hindi na niya nakilala ang kanyang ama.

“Ang ibang tita niya noon sabi ipa-adopt. Sabi ko ano ‘yan tuta na ipamigay ko lang ang apo ko, kahit ganyan ang itsura niyan na parang kuko na ang itim-itim tanggap ko yan dahil apo ko ‘yan,” ayon kay lola Basing sa panayam ng Abtik News Derecho.

Simula bata ay tumutulong na din si Brooks sa kanyang lola sa pagtinda ng gulay dahil na rin sa kahirapan.

“My grandma, I really came from nothing. Someone saw you, someone believed in you, someone encouraged you, someone gave you love without you even asking and once someone did that to you selflessly, you just know that’s a real one. That’s a genuine type of love and when she gave you all those love without me even asking I know that moment that I knew that I need to return even more of what she gave to me,” ani Brooks sa ulat ng ABS-CBN News.

Sabi pa ni Brooks, si Lola Basing ang kaniyang buhay.

“She’s the drive. Without her, I don’t think I would be the same Alexie that I am right now. Without her, I don’t think I have this dream. I don’t think I would be able to achieve the achievement that I have right now kasi everything I do right now and everything I have done is also for her,” ani Brooks.

Bago manalo bilang Miss Universe Iloilo, dating nang “long jump” queen sa Palarong Pambansa si Brooks taong 2013. Siya ay naging miyembro din ng National University (NU) athletics team at parte ng national team sa 2023 Southeast Asian Games.

Sa ngayon ay pinaghahandaan ni Brooks ang Miss Universe Philippines 2024 kung saan siya ang magiging pambato ng Iloilo City.