The show must go on! Mga reyna ng Flores de Maria sa Hagonoy, kinarir ang pagrampa sa baha

Hindi napigilan ng malakas na ulan ang prusisyon para sa Flores de Maria sa Hagonoy, Bulacan noong Mayo 26.
Found this article interesting? Help others discover it too!

Ika nga, the show must go on. Kaya naman hindi nagpatinag sa malakas na ulan at baha ang mga kalahok ng Flores de Maria sa Hagonoy, Bulacan kamakailan.

Makikita sa Instagram video na pinost ng isang netizen na si Reginald Manahan, na game na game na rumampa sa baha ang mga reynang nakapayong at nakasuot ng magagarbong gown sa pagdiwang ng taunang Flores de Maria noong May 26.

Ani ng OP, umaga pa lang ay umaambon at umuulan na. “Nung matapos na ang misa at nakagayak na ang lahat para pumrusisyon, biglang buhos ang napakalakas na ulan,” kwento ni Reginald sa kanyang reel na umabot na sa 3.3 million views.

Dahil sanay daw ang mga taga-Hagonoy sa baha at high tide tuloy ang engrandeng pagdiriwang ng Flores de Maria, dagdag pa niya.

Nagkataon naman na ang Flores de Maria—na kilala rin bilang Flores de Mayo—ay ipinagdiriwang ng mga magsasaka noong panahon ng Kastila bilang pagpupugay at pasasalamat dahil sa pagbuhos ng ulan.