Team Jo Koy! Steve Martin, Kevin Hart bilib pa rin kay Jo Koy matapos ma-okray sa Golden Globes

Napabilang na si Steve Martin at Kevin Hart sa dumepensa sa naging hosting stint ni Jo Koy para sa Golden Globes.

Nakatanggap man ng matinding pang ookray sa kanyang pag ho-host sa Golden Globe awards, tila dumarami naman ang mga Hollywood A-listers na kumakampi kay Jo Koy. Kabilang na dito ang beteranong komedyante at host na si Steve Martin.

Ayon kay Martin, na ilang beses nang nag host ng live award shows, talagang hindi maiiwasan na maraming mga kritiko ang mambabakbak sa kung sino man ang tatanggap ng gig.

Aniya, hindi biro ang humarap sa entablado na puno ng mga sikat na artista na sensitibo sa kanilang imahe. Sinabi din niya na bilang kunswelo, at least ay may 20 minutong bagong material na si ‘Josep’ para sa kanyang susunod na mga stand-up performance.

“I tip my hat to anyone who steps out on stage to host a live awards show. It’s a very difficult job and not for the squeamish,” aniya sa kanyang Threads page.

Maging ang komedyanteng si Kevin Hart ay nagbigay na din ng pahayag sa nangyari kay Jo Koy at nagsabing naniniwala siyang magba-bounce back si Jo Koy mula sa insidente ng mas malakas.

“Jo will be good and always has been. I love Jo. I can’t wait to see what else Jo does. He’s made it this far,” aniya.

Nauna sa pahayag ni Steve Martin, nagbigay din ng suporta ang mga batiking host na tulad nila Howard Stern at Whoopi Goldberg sa Fil-Am comedian.