Taray ni Lola! Sa edad 104, lola mula Chicago nagtala ng bagong Guinness record bilang pinakamatandang tao na nag-skydive

Kung kaya niya, kaya niyo rin!

Iniwan na ni Lola Dorothy Hoffner, 104, ang kanyang walker sa lupa, sumampa sa eroplano at lumundag mula kalangitan papunta sa Guinness World Records bilang pinakamatandang taong nag-skydive.

“Age is just a number,” sinabi ni Lola Dorothy, tubong Chicago, sa harap ng naghihiyawang tao na nagdiriwang ng kanyang jump attempt noong Oktubre 1.

Ang kasalukuyang may hawak ng record ay si Linnéa Ingegärd Larsson from Sweden na tumalon noong Mayo 2022 sa edad 103.

Noong una siyang nag-skydive, kinailangan pa siyang itulak papalabas ng eroplano, ayon kay Lola Dorothy.

Ngunit sa kanyang huling attempt, siya na mismo ang nagprisinta na manguna sa dive. Gumulong siya paharap pagkatalon mula sa eroplano, at gumawa ng perpektong forward roll bago dumapa sa isang stable freefall.

Agad na sumugod ang kanyang mga kaibigan at kaanak sa kanyang landing site para kumustahin siya.

“Wonderful,” ani Lola Dorothy sa isang panayam ng Chicago Tribune nang tanungin kung ano ang pakiramdam ng kanyang talon. “But it was wonderful up there. The whole thing was delightful, wonderful, couldn’t have been better.”