Sa gitna ng banta ng African swine fever, maaasahan pa rin ng mga Pinoy na may sapat na suplay ng karne sa Pasko, lalong-lalo na ang star ng Noche Buena na lechon, ayon sa isang opisyal ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Ayon kay Hannah Lou Ejercito, meat inspector at consumer protection head ng NMIS sa Central Visayas, hindi mauubusan ang mga mamimili ng karne para sa darating na Kapaskuhan kasunod ng mga hakbang ng ahensya na palakasin ang Sistema ng sertipikasyon para sa mga local butchered meat.
“We can assure you there will be an available supply of meat on Christmas. As the holiday nears, inspection will ensure the meat slaughtered and offered for sale in the market are fit for human consumption,” ani Ejercito, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.
Ginagarantiya naman ng NMIS na ang karne na inihahatid sa pamilihan ay galing sa mga accredited seller, sumailalim sa inspeksyon at pumasa sa sertipikasyon.
Hinikayat naman ng opisyal ang mga mamimili na maging mapanuri sa pagbili ng karne at huwag mag-atubiling magtanong sa mga nagbebenta tungkol sa kanilang sertipikasyon.