Super Lola! 67-anyos, nagpakitang gilas sa college entrance exam—Top 5 pa!

Kebs kay Lola Lolita Escal ang kanyang edad para makamit ang pangarap na kumuha ng kursong journalism at makapagtapos sa kolehiyo.

Nag-viral kamakailan ang isang 67-anyos na lola matapos kumuha ng entrance exam sa University of Rizal System-Angono kasama ang mga estudyanteng mas bata sa kanya ng apat na dekada na kapwa nangngarap makapasok sa napiling kolehiyo.

Kahit marami ang nagsasabing wala nang silbi ang pag-aaral sa kanyang edad, hindi nagpatinag si Lola Lolita Escal. Sa katunayan, Top 5 pa siya sa admissions test ng nasabing paaralan kung saan ay kukuha siya ng kursong journalism.

“Ang tao kasi buhay pa eh, may future pa. Pag wala nang future pag patay na. Hangga’t buhay, tuloy,” ani Lola Lolita sa isang panayam ng 24 Oras.

Ang kanyang anak na pumanaw tatlong taon nang nakalipas anya ang naging inspirasyon niya na grumadweyt ng high school.

Nakapagtapos si Lola Lolita ng grade school 50 taon na ang nakaraan ngunit huminto siya sa pag-aaral matapos siyang saktan ng kanyang amo sa kanilang probinsya sa Agusan del Norte.

“Natakot na ako eh, akala ko di na ako maka-recover. Nagtrabaho na lang ako,” kwento pa niya.

Pero noong 2021, nagpasya siyang ituloy ang pag-aaral at naging ka-eskwela pa niya ang kanyang mga apo. Nitong May 30, isa siya sa mga nagmartsa at nagtapos ng senior high school. Para matustusan naman ang kanyang pag-aaral, nag-titinda si Lola Lolita ng asin sa palengke.