Streetboys + Disney Princess: Sarina Hilario, nakipagsabayan ng dance moves sa daddy at mga uncles

Todo suporta ang Streetboys sa “Opalite” dance challenge entry ni Baby Sarina Hilario.

Kung dati rati ay ang kanyang daddy na si Sampol King Jhong Hilario lang ang backup dancer ng cutie na si Sarina Hilario, ngayon ay pang malakasan na ang kanyang crew.

Lahat ng kanyang uncles sa Streetboys ay kasama na niya na gumawa ng kanyang entry sa “Opalite” dance trend ni Taylor Swift.

Aliw ang mga fans ni Baby Sari dahil tinawag na ng kanyang daddy ang buong pwersa ng sikat na dance group na Streetboys para suportahan ang kanyang baby princess at mukhang masayang masaya din naman ang mga ito sa collab nila sa kanilang “pamangkin”.

Katatapos nga lang ng reunion concert ng Streetboys kamakailan lamang kung saan ibinida nila stage ang kanilang mga pinausong sayaw noong 90s. Maganda rin ang naging pagtanggap ng kanilang concert dahil ipinamalas nila ang walang kupas nilang galawan sa stage.

Para naman sa mga netizens, nakikitaan din nila ng potensyal ang anak ni Jhong para sumunod sa yapak ng kanyang daddy lalo na sa personality nito at galing sumayaw.