SM Prime, Japanese company, lilipunin ang basura para gawing alternative fuel, bawasan ang itinatapon sa mga landfill

Sa mas masinop na pagsasalansan ng basura, magagamit pa ang mga nonrecyclables para gamiting panggatong sa mga makinarya gaya ng cement kilns at industrial boilers.

Nakipagsanib-pwersa ang integrated property developer na SM Prime sa Japanese material recovery at recycling facilities operator na GUUN Co. Ltd. para tugunan ang lumalalang problema sa basura ng bansa.

Tanyag ang GUUN sa paggawa ng “fluff fuel,” isang alternatibo sa fossil fuel gaya ng coal at krudo na magagamit sa industrial facilities na nangangailangan ng panggatong sa kanilang mga makinarya tulad ng cement kilns at boilers.

“It is exciting for SM Prime to partner with GUUN Japan with a joint mission to bridge the gap between society and the environment in the Philippines through investing in their pioneering solid waste management technology, which will eventually benefit all the communities that SM Prime serves,” ani Hans T. Sy, board director ng SM Prime sa isang pahayag.

Paliwanag pa ni Sy, malawak na ang paggamit ng fluff fuel sa Japan at isa itong paraan na ginagamit doon para bawasan ang pagtapon ng basura sa mga landfill. Naglilikha rin ito ng karagdagang trabaho dahil sa pangangailangan ng mga waste pickers o mga nagsasalansan ng uri ng basura.

“At GUUN, we are ready to make every effort to contribute significantly to the Philippines and evolve the resource circulation system. The partnership with SM Prime leaves us with no doubt that we can succeed,” sinabi naman ni GUUN CEO Shinji Fujieda

Magtutulungan ang SM Prime at GUUN para bawasan ang basurang dinadala ng mga SM Prime at non-SM Prime managed properties, na siyang magpapagaan rin sa operasyon ng mga material recovery facility ng mga local government units.