Slay! Katy Perry, kinabog ang MET Gala gamit ang AI

Kahit hindi nakapunta sa taunang event, nangabog pa din si Katy Perry sa kanyang outfit gamit ang AI.

Kaysa umubos ng oras at pera para makipagpatalbugan sa mga bigating celebrities sa MET Gala, pinili muna ni Katy Perry na mag chill at hindi umattend sa event para sa taong ito.

Pero hindi naman nangangahulugan na wala siyang entry para sa taunang event ni Vogue editor Anna Wintour.

Sa kanyang Instagram, nag-post si Katy ng dalawang AI-generated images kung saan suot niya ang dalawang outfits na akma sa temang “Garden of Time” para sa taong ito.

Sa sobrang pulido ng kanyang mga larawan, maging ang sariling ina ni Katy ay napeke nito. Kaya naman nagpaliwanag agad ang “Fireworks” singer na hindi siya nakapunta sa event dahil meron siyang trabaho sa araw na iyon.

Hindi man siya naka-attend this year, panigurong may pasabog na naman ang American Idol judge next year sa kanyang outfit para sa MET. Siya pa ba?