Naglabas ang National Museum of the Philippines (NMP) ng isang limited edition beep card tampok ang “Spoliarium” ni Filipino maestro Juan Luna sa ika-140 na taong anibersaryo ng pagkakapanalo nito ng gintong parangal sa Exposición Nacional de Bellas Artes sa Spain noong 1884.
Unang ipinakita ng NMP ang pinakabagong disenyo ng beep card sa publiko noong Martes, May 21, ayon sa ulat ng Manila Bulletin.
Ibebenta ang naturang disenyo sa museum shop sa ikalawang palapag ng National Museum of Fine Arts sa Ermita, Manila, na pinapangasiwaan ng National Museum Employees’ Multi-Purpose Cooperative (NMEMPC).
Mabibili ang naturang beep card design sa loob ng museum hours tuwing Martes hanggang Linggo mula 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. Nagkakahalaga ang bawat Spoliarium beep card ng Php500 kada isa, at limitado lang ang bilang nito.
Mabibili rin sa NMEMPC shop ang iba pang souvenir na may disenyong Spoliarium tulad ng keychains, button pins, candies, refrigerator magnets, tote bags tampok ang imahe ni Luna at ng painting, t-shirts, mugs, watches, at iba pa.
Hindi mabibili ang mga items sa online shop upang makahikayat ng mga tao na bumisita sa National Museum.
Magagamit ang beep card bilang pambayad sa LRT Lines 1 and 2, MRT Line 3, at mga point-to-point buses, modern jeepneys, Cebu ferries, convenience stores, at iba pang partner-merchants.