Siete Pecados Marine Park sa Palawan, pinarangalan ng Blue Park Awards sa Greece!

Sa ikatlong pagkakataon, nakamit muli ng Pilipinas ang prestihiyosong Blue Park Awards.

Ang paboritong destinasyon ng mga diving at snorkeling enthusiasts sa Pilipinas ang nakakuha ng internasyonal na pagkilala dahil sa pagkakaroon ng mga namumukod-tanging marine protected areas (MPAs).

Kabilang ang Siete Pecados Marine Park sa Palawan sa tatlong destinasyon sa buong mundo na tumanggap ng prestihiyosong Blue Park Awards sa Athens, Greece noong Abril 17.

(Courtesy:Byaheng Palawan/FB)

Ipangkaloob ito ng Marine Conservation Institute matapos suriin ang masusing science-based criteria ng mga marine scientists panel na nagtitiyak na ang mga napiling MPAs ay may pinakamabisang marine life conservation.

Proud ang bansa sa pagtanggap ng nasabing award, ayon kay Environment Undersecretary Ernesto Adobo Jr.

“The Philippines is honored by the recognition that we are the first country to have three Blue Park Awards. We are proud and fortunate to be able to be at the center of the Coral Triangle, and we realize that this comes with responsibilities of caring for and protecting what we have been blessed with,” ayon kay Adobo sa ulat ng Rappler.

Noong 2017, tumanggap din ng parehong parangal ang Tubbataha Reefs Natural Park at noong 2022 naman ang Apo Reef Natural Park.

Kasama ng Siete Picados sa mga awardee ngayong taon ang Tristan da Cunha (UK) at Gitdisdzu Lugyeks Marine Protected Area (Kitasoo Xai’xais First Nation).