Hindi masama mag-take out ng ulam mula sa handaan, basta’t ugaliing magpaalam muna. Iyan ang payo ni Megastar Sharon Cuneta na na-aktuhang nagbabalot ng ulam sa party ng pinsan na si Quezon City Vice Mayor Gian Sotto.
Makikita sa IG post ng kanyang pinsan na si Ciara Sotto na naglalagay ng ulam ang Megastar sa putting plastic container habang kinakanta ang isa sa kanyang mga hit single na “Bituing Walang Ningning,” na kamakailan na nanumbalik sa kamalayan matapos maging viral.
Kinagiliwan ng mga netizen ang isang viral video kung saan makikitang nagbabalot ng ulam ang isang bisita sa party ng palihim. Nilapatan ng sikat na kanta ni Megastar ang video, kung saan itinapat ang pambungad na linya sa chorus na “Balutin mo ako ng hiwaga ng iyong pagmamahal,” habang nagbabalot ng take out.
Ngayon naman, si Sharon na mismo ang nag-Sharon ng mga ulam sa party. “Pasensya na. Happy birthday my brother Gian. I love you so much and thank you for my balutin mo ako ng hiwaga… This one is for my babies, my husband, and my children,” hirit ni Sharon.
“Ako na ‘to, nagsha-Sharon. Huwag kayong mahiya basta nagpaalam ako, matinong paalam,” dagdag pa niya.
Nagdiwang ng kanyang kaarawan noong March 18 si Vice Mayor Gian Sotto, na pinsan ni Sharon pero itinuturing niyang isang baby brother.