Naging mahalaga ang pagbibigay ng second chance sa aktor na si Baron Geisler para maituwid niya ang kanyang buhay. Ito ang naging pag-amin ng aktor, na minsan ay nalulong sa adiksiyon at sa kanyang self-destructive behavior.
Sa kanyang interview para sa “Luis Listens” vlog ni Luis Manzano, prankang inamin ni Baron ang kanyang mga naging pagkukulang noong unang sabak niya sa showbiz. Inamin niya rin na sa isang punto ng kanyang buhay ay tila nawala na ang lahat sa kanya.
“I lost everything. I lost all those chances and deals,” pagbabahagi ni Baron. Sinabi niya din na dumating din ang panahon na na-realize niya na ang kanyang mga kasabayan tulad nila John Lloyd Cruz ay namamamyagpag sa showbiz habang siya ay tila iniiiwasan na ng mga producer dahil sa kanyang reputasyon.
Kaya naman labis labis ang kanyang pasasalamat sa panibagong pagkakataon na ibinigay sa kanya ni direk Francis Xavier noong panahong kailangan niya ito.
Ani Baron, dahil sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya at nagkaroon siya ng pagkakataon na maipakita ang kaya niyang gawin bilang artista. Dahil din dito, nagkaroon siya ng pagmamahal at appreciation para sa kanyang trabaho.
Nagpasalamat din siya kay Luis at ibinahagi na sa isang punto ay kinausap pala siya nito upang alukin ng oportunidad na umahon sa pamamagitan ng business.
Hindi naging madali ang pagbabago para kay Baron. Una dahil dumaan din siya sa phase ng denial at self-destructive tendencies na nakasira sa kanyang reputasyon sa showbiz noong panahong iyon. Aniya, malaking bagay ang pagtanggap na may problema at sa paghingi ng tulong para harapin ito.
“It’s never too late para sa mga gustong magbago sa buhay,” ani Baron.
Umani naman ng suporta ang matapang na pag-amin ni Baron kay Luis mula sa mga fans na nakita ang kanyang growth bilang artista. Anila, hindi biro ang pinagdaanan ni Baron kaya’t dapat siyang bigyan ng credit para sa kanyang pagbabago lalo na at ngayon ay isa na siyang responsableng family man.
“Baron Geisler should be an ambassador for Mental health as he emphasizes on seeking help from professionals which a lot of people fail to do. Nowadays, people blindly tag themselves as ‘depressed’ without clinical diagnosis.”
“Wow! Naiiyak ako nung sinabi ni sir Luis na ‘I treasure this interview.’ Grabe tagos talaga sa puso.”
“Honestly, sa lahat nang interviews ni Luis ito yung pinaka inspiring and admirable para sa akin. Na aamazed talaga ako sa Baron ngayon kasi ibang iba na talaga sa nakikita ko noon. Keep it up sir Baron and more projects to come❤”
“Very inspiring. Feel ko totoong tao si Baron. Walang halong eme. Totoong tao, what you see is what you get. Nakaka inspire yung change na nangyari sa buhay. Sa tulong at awa ni Lord at sa kagustuhan din nya na magbago, nagawa nya. Hopefully tuluy tuloy na. Wishing him all the best.”
Sa comments section, nagpasalamat din si Baron sa mga mensaheng kanyang natanggap.
“Thanks so much everyone for your encouraging messages. Thanks also to my friend Luis for this chance to express. What an awesome experience. To God be all honor glory and praise,” aniya.