‘Sana all may nakalipas’: Binatilyo may full circle moment kay Barbie Imperial sa Grand Santacruzan sa Albay

Nagkita muli ang isang binatilyo at ang actress na si Barbie Imperial pagkatapos ng mahigit 10 taon sa Santacruzan sa Albay, na kung saan din sila unang nagkita.

Nagkaroon ng full circle moment ang isang binatilyo sa Albay nang magtagpo sila muli ng Bicolana actress na si Barbie Imperial mahigit 10 taon na ang nakakalipas sa naganap na Grand Santacruzan nitong nakaraang linggo.

Una nang nag-viral si Gerald Loquinario nang magpost ito noong Marso ng kanyang throwback Santacruzan picture kasama si Barbie. Sa litrato, siya ay gumanap bilang Constantine at si Barbie naman na hindi pa sumasabak sa showbiz noon ay ang Reyna Elena.

Anya sa kanyang caption, kung alam lang niyang sisikat pala si Barbie ay nilibot na sana nila ang buong Albay nang magka-partner sila sa Flores de Mayo ng siya’y anim na taong gulang pa lang.

At 11 taong nakaraan, nagkaroon ng pagkakataon na makapagpicture muli si Gerald sa aktres nang gumanap ito ulit bilang Reyna Elena sa Grand Santacruzan noong May 29 sa Legazpi City.

“Panahon lang ang lumilipas,” ani Gerald sa kanyang Facebook post ng recent picture nila ni Barbie.

Nirepost naman ito ng aktres na may caption: “Dae ta man nalibot ang buong, atleast nag ilingan kita. (Hindi man natin nalibot ang Albay, at least nagkita tayo).

Sa isang panayam sa BicoldotPH, sinabi ni Gerald na hindi naman niya anya personal na kilala si Barbie dahil bata pa siya noong magkita sila pero laking gulat niya nang mapanood niya ito sa Pinoy Big Brother noong 2015.

“NAisipan ko lang po na i-post yung picture naming and hindi ko akalain na dadami ang like and share at napansin po ako ni Miss Barbie. Of course, I’m happy and super kinikilig kasi Miss Barbie Imperial yun eh,” ani ng 17-anyos na binatilyo.

Napa-“sana all” naman ang mga fans ni Barbie na may 14 million followers sa Facebook.

“Sana all may nakalipas,” ani isang fan.