Salamat, pa! Caloy Yulo, sumaludo sa ama nang makita itong kabilang ng mga fans na sumalubong sa mga atleta

Hindi naman naisama sa Malacañang, malaki pa rin ang pasasalamat ni Carlos Yulo sa ama na hindi alintana ang pagod para magpakita ng suporta.

Hindi man napasama sa Malacañang Palace para sa heroes’ welcome ng mga atletang Pilipino, hindi naman pinalagpas ng ama ni Olympic gold medalist Caloy Yulo ang pagkakataong salubungin ang anak sa mga kalsada ng Maynila upang magpakita ng suporta.

Kinabiliban ng mga Pinoy ang tiyaga ng ama ni Caloy na si Mark na nag-abang kasama ang sandamakmak na fans ng mga atleta sa pagdaan ng motorcade sa kanilang lugar.

Tinulungan naman si Daddy Mark ng kaniyang mga kaibigan para agad siyang makita ng anak sa gitna ng maraming tao dahil gumawa sila ng signage na “Caloy, dito papa mo.”

Naispatan din naman ni Caloy agad ang kanyang ama na bukod sa lumulundag na ay gumawa pa ng heart sign para sumuporta sa anak. Bilang ganti, sumaludo ito sa ama at kumaway.

Nagbigay pugay din ito sa isang social media post at humingi ng paumanhin na hindi siya nakapagtagal dahil nga maraming tao at kasali siya sa motorcade. Nangako naman ito na kikitain ang ama at nagpasalamat siya sa kanyang papa sa kanyang suporta.