Tila hindi na kailangang magtungo sa Japan ang mga Pilipino para makakita at makasaksi sa pagsibol ng tanyag na cherry blossom o sakura dahil may tumutubong bulaklak na kahalintulad nito sa lalawigan ng Cagayan.
Matapos ang apat na taong pag-aantay, sumibol ang kulay rosas na bulaklak ng mga puno ng salinggogon sa bayan ng Alcala, Cagayan, ayon kay Alkalde Tin Antonio.
Masayang ibinahagi ni Antonio ang ulat sa kanyang Facebook post noong Pebrero 27, kung saan ikinuwento ng opisyal na nagtanim ang pamahalaang bayan ng tinatayang 550 na puno ng salinggogon noong kasagsagan ng pandemya noong 2020.
“After four years, some of our Philippine native salinggogon trees (Cratoxylum formosum) planted along Alcala, Cagayan’s national highway, are in bloom,” wika ni Antonio sa kanyang post.
Bahagi ang pagtatanim ng salinggogon, isang native specie ng punong kahoy, sa programa ni Antonio na “Green Wall of Alcala.”
Hinikayat ni Antonio ang kanyang mga constituents na lumahok sa patuloy na pagpapatupad ng programa.
“Let’s continue to build the Green Wall of Alcala — the planting and growing of our proudly Philippine native trees,” sinabi pa ng alkalde.
Kayang tumubo ng salinggogon hanggang sa taas na 140 metro.
Pitong barangay ang sakop ng Green Wall of Alcala tulad ng Baybayog, Baculod, Centro Norte, Centro Sur, Maraburab, Tupang at Piggatan. Nanawagan pa ang alkalde sa kanyang mga kababayan na mag-post ng litrato ng puno at ilagay sa comment section ng kanyang Facebook post.