Sagana sa kabutihang loob! Isa pang porter sa airport, nagsauli ng perang aabot sa Php400,000

Umani ng papuri ang katapatan ng isang porter sa NAIA nang magsauli siya ng napulot na pouch na may lamang perang nagkakahalaga ng halos Php400,000.

Isang manggagawa sa NAIA ang muling nagpamalas ng kabutihang loob matapos isauli ang napulot na pouch na mayroong perang aabot sa P400,000, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).

Kinilala ni MIAA general manager Eric Ines ang honest porter na si Irwin Rommel Diana, 35, isang porter ng D’Frada Porterage Services.

Ayon kay Ines, napulot ni Diana ang pouch habang kinukuha ang mga gamit na pushcart sa pagitan ng Bays 5 at 6 sa arrival curbside ng Terminal 3 noong April 19.

Agad na nagtungo si Diana sa lost and found section ng Terminal 3 at isinauli ang pouch. Natunton naman agad ng mga awtoridad ang may-ari ng pouch, na isang Amerikano. Tinukoy rin ng may-ari ng tama ang laman ng pouch, na mayroong 70 piraso ng US$100 bills, na aabot sa halos Php400,000.

Halos 14 taon na ring nagtatrabaho si Diana sa NAIA bilang porter. Nang tanungin kung anong maipapayo niya sa mga kasamahang nagtatrabaho sa airport, sinabi ni Diana ang kahalagahan ng integridad sa paglilingkod ng tapat.

“Basta kung hindi niyo naman po pinaghirapan or hindi po sa inyo ibalik po natin kung kanino po dapat,” aniya.

“Bilang Pilipino, nakaka proud na pinili nila na gawin ang tama. In their line of work, mahirap magpakatatag lalo kapag ikaw ay hirap sa buhay,” sinabi naman ni Ines sa kanyang pahayag.

Noong April 13, nagsauli naman ang isang katrabaho ni Diana na si Victor Perez ng perang nagkakahalaga ng US$10,000 na napulot niya habang kumukuha rin ng gamit na pushcart.

Una nang sinabi ni Ines na paparangalan ang mga honest porters sa nalalapit na flag ceremony ng MIAA para sa buwan ng Mayo.