Sa dessert shop na ito sa Lipa City, mga lolo’t lola ang bagong bida!

Mga lolo at lola na may edad na 60 pataas ang bet i-hire ng isang dessert shop sa Batangas para mag-trabaho ng apat na oras kada araw.

Karamihan na mga businesses ay naghahanap ng mga batang empleyado, pero sa isang dessert shop sa Batangas, mga lolo at lola na bored at gustong kumita ang bet nilang i-hire.

Sa Pink Patisserie sa Lipa City, welcome na welcome ang mga senior citizens na may edad na 60 pataas na mag-apply bilang staff. Hindi kailangan mag-alala sa overtime, dahil apat na oras lang kada araw ang trabaho.

“No heavy work. We just want you happy,” sabi ng Pink Patisserie sa kanilang Facebook post.

Ani Ebet Estoesta, 55-anyos na may-ari ng dessert shop, nag-eexpand ang kanilang business kaya kinakailangan nila ng extra tao. “Kahit na senior tayo, part pa rin tayo ng community, saad ni Ebet sa panayam ng ABS-CBN News.

Naisipan nilang buksan ang kanilang pinto para sa mga may edad dahil madalas nila anya makita ang mga senior citizen na kumukuha ng ayuda sa isang government office na malapit lang sa kanilang shop, dagdag pa niya.

“So more on mga seniors. Nakikita namin everyday dumadaan dito. Sabi namin, mga seniors, ang lalakas pa nila. Why not include natin sila sa team natin?” paliwanag pa ni Ebet.

Hindi naman inakala ni Ebet na mahigit sa 100 agad ang aplikante matapos maipost sa Facebook ang job ad. Nasa tatlo o apat lamang ang kanilang kukunin, sabi niya.

Umaasa naman si Ebet na mas marami pang mga business owners ang magbigay ng oportunidad para sa mga senior citizens, maging sa mga persons with special needs.