Dahil rice is life para sa mga Pinoy, gumawa ang mga eksperto sa International Rice Research Institute (IRRI) ng isang uri ng bigas na hindi nakakapag-taas ng sugar level sa tao.
Malapit na rin ito maihain sa mga hapag-kainan dahil ayon sa IRRI, magiging available na ang ultra-low glycemic index (GI) na mga palay sa mga magsasaka sa susunod na taon, ayon sa IRRI.
Ang variety na ito ay isinusulong na mas nutritious na alternatibo kaysa sa mga puting bigas sa merkado dahil sa mataas na GI levels na maaaring magdulot ng Type 2 diabetes.
Ani Reuben James Buenafe, isang associate scientist sa IRRI, ang mga Pilipinong magsasaka ang unang makakakuha ng access sa bagong uri ng bigas na ito, dahil sa Pilipinas naka-base ang IRRI, ayon sa ulat ng The Philippine Star.
Sinabi rin ng mga siyentipiko sa IRRI na may malaking benepisyo ang mga low at ultra-low GI rice varieties hindi lamang sa mga taong mahilig sa kanin kundi pati na rin sa mga taong may diabetes dahil hindi ito nagpapataas ng blood sugar level pagkatapos kumain.
Ang diabetes mellitus ang ikaapat na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, ayon sa pinaka latest na datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority.
Kung ang karaniwang kanin ay may GI levels na 70 pataas, ang mga ultra-low na variant naman ay may GI levels na 45 pababa. Ang paboritong Dinorado ng mga Pinoy ay may GI levels na 70 hanggang 72 habang ang rice variety na binuo ng IRRI ay may GI level na 25.
“One of the reasons why we crave more rice is the insulin response due to a spike in our blood sugar level when we eat,” ani Rhowell Tiozon Jr., isang researcher at doctoral scholar sa IRRI.
“If the food has low GI and high protein, our insulin response would be slow because we will experience satiety or satisfaction in food so you get full faster,” dagdag pa niya sa nasabing ulat.