Real talk lang! Mama Lulu, may hot take tungkol sa mga magulang na nakasakit sa anak

Ayon sa sikat na internet celebrity, may karapatang magalit ang sinumang nasaktan kaya’t dapat ding respetuhin ang kanilang nararamdaman.

Kung karaniwang mga comedy skits at kulitan ang mapapanood sa channel nina Mama Lulu at ng kanyang anak na si Ollie, naging real talk naman ang tema ng mag-ina nang tanungin ang kanyang mama kung obligado ba ang anak na magpatawad sa kanilang magulang kung nasaktan sila nito.

Biglang naging seryoso si Mama Lulu sa tanong ng anak at sinabing dapat respetuhin din ang pakiramdam ng anak na nasaktan dahil lahat ay may karapatang magalit kapag sila ay nagawan ng hindi maganda.

Ani Mama Lulu, lalong mahirap magpatawad sa pananakit ng magulang dahil ito ang inaasahan ng kanilang mga anak na poprotekta sa kanila.

“Kahit anak ka man, magulang, kapatid o kung sino ka man, may karapatan kang magalit kung ginawaan ka ng masama period,” deretsahang sagot ni Mama Lulu.

“Bilang magulang ikaw dapat ang nagbibigay ng ehemplo sa iyong anak, ikaw ang dapat nagpo-protekta sa mga anak mo. Ikaw dapat ang pagkakatiwalaan ng mga anak mo. Walang pagdududa sa pagkatao ng magulang,” dagdag pa niya.

“Siyempre mas masakit sayo kung malaman mong sarili mong pamilya ang gumagawa ng sakit ng kalooban mo. Kung ibang tao lang yan walang problema pero yung sarili mong kadugo, mahirap talagang magpatawad lalo na kung ang taong inaasahan mong poprotekta sayo ang gumawa ng ganon sayo,” paliwanag pa ng internet celebrity,