Isang bituin ang nadagdag sa hanay ng mga reservist ng Philippine Navy kamakailan nang makatapos sa basic training ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes.
Sumailalim si Dingdong sa Basic Course Class para sa mga Naval Combat Engineer Officers, at kinilala bilang isa sa mga graduates nitong Marso 25.
Dumalo sa graduation ceremony ang asawa ni Dong na si Kapuso star Marian Rivera, na proud na proud pang nagkabit ng pin sa kanyang real-life leading man.
Pabirong inamin ni Dong na nakaramdam siya ng kaunting kaba habang ikinakabit ni Marian ang mga parangal na natanggap niya sa kurso.
“Major shoutout sa aking super supportive na misis for showing up today and pinning the ‘Riffle [sic] Expert Badge’ and the ‘Kapanalig Medal’ on me,” ani Dong sa kanyang IG post. “I’m frozen in place—wouldn’t want to risk becoming a human pincushion.”
Sa isa pang post, nagpasalamat si Dong, na nagsilbi ring commissioner ng National Youth Commission, sa liderato ng Naval Combat Engineer Brigade, ang mother unit na kinabibilangan niya.
“As a reservist, it is a privilege to be given these opportunities to acquire new skills which can definitely enhance many aspects of my life as a professional, father, and husband,” dagdag pa ni Dong. “It is an honor to receive the certificate of completion from King Bee himself, Commodore Rolando Sarmiento.”
Kilala sa palayaw na Seabees, nakaatas sa Naval Combat Engineer Brigade ang combat engineering at amphibious construction ng buong Navy Fleet.
Kasama ang Philippine Marine Corps, minamanmanan rin ng mga tauhan ng Seabees ang mga naval garrison sa mga shoal at isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea.