Maagang rumonda ang kawani ng San Andres Municipal Police Station (MPS) para matignan ang epekto ng Bagyong Pepito sa bayan ng San Andres, Catanduanes noong Nobyembre 17. Pero hindi inaasahan ni Pat. Cahriel Ann Tabirara na makakaranas siya ng isang kakaibang misyon habang nagsisilbi bilang pulis.
Sa isang Facebook post, ikinuwento ng San Andres MPS ang pagtulong ni Cahriel sa pagpapaanak sa isang ginang na naglabor kasunod ng pananalasa ng Bagyong Pepito.
Matapos ang bagyo, humingi ng tulong ang isang residente ng Barangay Datag, San Andres para madala ang isang buntis na malapit nang manganak sa ospital.
“Pagdating sa bahay ay bahagyang nakalabas na ang bata at agad naman itong tinulungan ni Pat Cahriel Ann C Tabirara sa panganganak,” ayon sa post ng San Andres MPS.
Ang hindi alam ng karamihan, si Cahriel ay isang rehistradong midwife at nurse bago siya naging pulis.
Isang malusog na sanggol na lalaki ang ipinanganak ng ginang sa tulong ni Cahriel. Sa kasalukuyan, ligtas na ang kalagayan ng mag-ina at naihatid rin sa ospital ng Juan M Alberto Memorial District Hospital, ayon sa San Andres MPS.
Inulan naman ng papuri ng netizens ang pulis:
“Wow. I salute you po maam”
“Kudos to the team! Snappy salute to our registeted midwife & nurse”
“Galing mo Cahriel”