Proud teacher! Anak ang guro ng 67-anyos na nanay na nagtapos ng junior high school

Proud na proud ang isang teacher dahil nagtapos ang kanyang ina sa pag-aaral na isa ring estudyante niya.

Natural sa isang teacher na maging proud sa kanyang mga estudyante kapag naka-gradweyt ang mga ito.

Pero iba ang saya at pagmamalaki ni teacher Wilfred Branairos Malinog, na taga Koronadal, South Cotabato, dahil ang kanyang 67-anyos na ina ay nakapagtapos na sa junior high school kamakailan at isa ito sa kanyang mga tinuruan.

“NANAY KO, ESTUDYANTE KO! Congratulations mudrabels, ALS (alternative learning system) Graduate @ the age of 67” ang caption ni ALS Teacher Wilfred Branairos Malinog sa kanyang Facebook post.

“May purpose ang Diyos kung bakit ako natransfer sa] ALS❤️❤️Junior (HS)❤️,” dagdag pa ni Teacher Wilfred ng Department of Education (DepEd)- Koronadal.

Ayon kay Teacher Wilfred sa isang panayam ng Bombo Radyo Koronadal, masaya siya dahil minsan lang mangyari ang pagkakataon na ang isang anak ang siyang guro ng ina. Hindi din daw naging hadlang ang edad ng ina para makapagtapos ito ng JHS.

Hangad ni Teacher Wilfred na sana maging inspirasyon ang kanyang ina sa ibang may edad na at nag-aalangang ipagpatuloy ang pag-aaral.

Kinokonsidera din niya itong “payback” sa kanyang ina para sa kanyang mga sakripisyo sa kanila.