Pray for us! Pagkilala sa kabanalan ng ‘model of Christian living’ na si Niña Ruiz Abad, sinimulan na ng Diocese of Laoag

Nagsimula na ang pagsulong sa pagiging santo ni Servant of God Niña Ruiz Abad ngayong Abril matapos buksan ng Diocese of Laoag ang pormal na proseso na kakalap ng mga ebidensya at testigo na magpapatunay sa kabanalan ng batang babae, na pumanaw noong 1993.

Binuksan na ng Diocese of Laoag ang puntod ni Servant of God Niña Ruiz Abad sa Sta. Monica Parish Church sa Sarrat, Ilocos Norte kasabay ng pagsisimula ng proseso ng pagsusog sa kanyang pagiging santo sa Simbahang Katolika.

Nagtakda rin ang simbahan ng kwarto para sa mga pumupuntang mga deboto na magpadala ng panalangin sa pamamagitan ni Niña.

Opisyal na sinimulan ng diocese ang canonical procedure na mag-iimbestiga at magsusulong sa sainthood cause ni Niña, isang 10-anyos na batang kinakitaan ng kabanalan sa kanyang maikling panahon sa mundo.

“We are starting our investigation on the life of Niña to examine if indeed we can say that God deigned to bless her with sanctity,” sinabi ni Laoag Bishop Renato Mayugba sa pagsisimula ng beatification process noong April 7 sa ulat ng CBCP News.

Kakalap ng mga testigo at salaysay ang mga imbestigador ng diocese na susuporta sa kabanalan ni Niña, na pumanaw noong Aug. 16, 1993 matapos atakehin sa puso habang nasa paaralan.

Bago ang kanyang pagpanaw, natuklasan ng mga doktor niya na mayroon siyang hypertrophic cardiomyopathy, isang kondisyon kung saan hindi dumadaloy ang dugo sa kanyang puso.

Ayon sa mga kakilala ni Niña, nakitaan siya ng hindi pangkaraniwang gawain para sa isang 10-taong-gulang na bata.

Kilalang malakas ang kanyang debosyon sa Banal na Eukaristiya, nakasuot ang rosaryo sa leeg, at may mataas na paggalang sa Banal na Santatlo.

Madalas rin nagtutungo ang bata sa kapilya ng Our Lady of Mt. Carmel sa Laoag bago at pagkatapos pumasok sa paaralan.


Inaasahang magtatagal sa buwan at taon ang pagkalap ng ebidensya ng diocese, at kapag natapos na ito, dadalhin ang kanilang rekomendasyon sa Rome para repasuhin. Kapag napatunayan ang kanyang kabanalan, igagawad kay Niña ang karangalan na “Venerable.”

Kasunod naman nito ang beatification at canonization, kung saan kinakailangang mayroon dalawang milagro na mapapatunayang nangyari sa tulong ng kanyang pamamagitan o intercession.

Kung ano man ang magiging desisyon tungkol dito, isa bagay ang tiyak—na si Niña ay bigay ng Diyos “as a model of Christian living,” ani Archbishop Marlo Peralta ng Nueva Segovia.

Samantala, hinikayat ng diocese ang pagbisita sa puntod ni Niña para mag-alay ng panalangin.

“We are inviting you to visit the Sta. Monica Parish [in] Sarrat to visit and offer prayers kay Niña, para in one way, ito ay nag-reremind sa ‘tin sa tawag ng Panginoon na we need to live in a Holy life, at ‘saka para mag-alay ng dasal para kay Niña,” ani Fr. Harvey Naval, tagapagsalita ng Diocese of Laoag para sa cause ni Niña Ruiz Abad.