Inilunsad ng isang barangay sa Quezon City kamakailan ang programang palit-basura kung saan ang naipong basurang plastic ay tutumbasan ng isang kilong isda upang mahikayat ang mga mamamayan suportahan ang kampanya ng lokal na pamahalaan.
Tinatanggap ng Barangay Sto. Niño sa Quezon City ang lahat ng uri ng basurang plastik—sirang lalagyan na gawa sa plastik, balot sa pagkain, at iba pang uri ng plastik na gamit. Layunin ng programa na bawasan ang basura na madalas napupunta sa mga kanal at estero na nagiging sanhi ng baha tuwing tag-ulan.
Kapalit ng mga naipong basurang plastik ang iba’t ibang klaseng isda tulad ng pampano, salmon, galunggong, at maging fish fillet.
“Ang gusto namin ma-achieve talaga, matulungan ‘yung environment… Bilang pagtugon na rin po sa kakulangan ng pagkain doon sa mga ibang residente namin,” sinabi ni Kagawad Peter Dumanig ng Barangay Sto. Niño sa panayam ng GMA News noong Linggo.
Ibinebenta naman ng barangay ang mga nakolektang plastik sa mga junk shop, at sa trash-to-cash program ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon. Pinambibili ng isda ang nakakalap na pera mula sa basura, paliwanag pa ni Dumanig.
Inaasahang palalawigin pa ang mga makukuhang pagkain sa programa, kasama na rin ang bigas, sa mga susunod na linggo, ayon sa pamahalaan.