Pinoys represent! Dalawang Pilipino, wagi sa pinakamahabang ultramarathon sa Italy

Halos pitong beses na mas mahaba ang Ultra Milano-Sanremo marathon, at dalawang Pilipino ang nakatapos sa ultramarathon na may 285 kilometro sa haba.

Dalawang Pilipino ang nakatapos sa ika-12 na edisyon ng Ultra Milano-Sanremo (UMS285) marathon na ginanap noong April 12.

Ikatlong pinakamabilis sa ultramarathon si triathlete Rolando Espina, na natapos ang karera sa loob ng 36 oras at 40 minuto, habang sumunod naman sa kanya si Bren Kevin Cabasa sa oras na 39:08 hours, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

Pinangunahan naman nina Lachlan McDonald (35:47:00 oras) at Zsuzsanna Maraz (35:54:00 oras) ang UMS, na may distansyang 285 kms o halos pitong beses na mas mahaba sa karaniwang marathon na may habang 42.195 kms.

Kilala ang UMS285 bilang pinakamahabang, single-stage road ultramarathon sa Italy, at dadaan ang mga kalahok sa tatlong rehiyon ng bansa at 54 na komunidad. Kailangan rin matapos ng higit sa 60 na kalahok ang buong ultramarathon sa loob ng 48 oras o dalawang araw.

Ani Espina, bihira magkaroon ng pagkakataon ang mga Pilipino sa mga patimpalak katulad ng UMS285.

“It’s rare for two Filipinos to finish on the podium in such a difficult and prestigious race. Here’s hoping that our journey will motivate others to follow us, especially the younger generations, who aspire to join and love ultrarunning,” paliwanag ni Espina.

Ito na ang ikalawang pagkakataon ni Espina na sumali sa UMS285, at tulad ng naunang pagkakataon, hindi naging madali ang karera para sa triathlete kahit na malawak na ang kanyang karanasan.

“So, there was no other way but to slow down and hope that it would not reach a point where I could no longer run or even walk. I was leading at that point, but I knew it was only a matter of time before I would be caught up by the other runners,” sinabi pa ni Espina.