Kapag sinwerte nga naman! Isang Pinoy sa Dubai ang nag-uwi ng astig na motorbike na nagkakahalagang higit kumulang Php1 million matapos mabunot ang kanyang numero sa isang promo ng Dubai Duty Free.
Labing walong taon nang bumibili anya ang 46 anyos na si Roland Arceo ng tiket sa pa-raffle ng Dubai Duty Free, kung saan rin siya nagtatrabaho ng labing siyam na taon na.
Ngunit noong Nobyemre 8, tila naghanay ang mga bituin at sa wakas ay pinalad na mabunot ang kanyang ticket na may numerong 0389 sa raffle draw na ginanap sa Concourse D ng Dubai International Airport. Ang premyo: isang magarang BMW S 1000 R (M Package) motorbike.
Ang nakakatuwa pa sa mga ganap ay nandoon lamang si Roland sa event bilang photographer at hindi bilang kalahok o manonood ng raffle draw.
Ayon sa ulat ngĀ The Global Filipino Magazine, hindi anya makapaniwala si Roland sa kanyang swerte. Nagpasalamat naman siya sa Dubai Duty Free sa di inaasahang premyo.