Pinoy couple na negosyante sa Australia, inspirasyon ang pagbabalik at pagtulong sa komunidad

Mag-asawang Pinoy sa Australia, tumutulong sa mga international students sa pamamagitan ng kanilang mga negosyo.

Alam ng mag-asawang Pinoy na sina Odra at Eds Santos ang hirap na pinagdadaanan ng mga student visa holders sa Australia, kaya’t sila ay tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa kanila.

Bago pa magkaroon ng mga iba’t ibang negosyo ang mag-asawa, nagsimula rin si Odra bilang isang international student sa Australia bago sila magpakasal sa Pilipinas. Nang bumalik siya sa Australia, sumunod naman ang kanyang asawa na si Eds.

“This is our way of giving back to the community in assisting them,” ayon kay Eds sa panayam ng Love Down Under na podcast series ng SBS Filipino .

“Way, way back, alam namin ang mga hirap, ang mga struggles ng mga [international] students. Alam namin na mahirap kumuha ng first job,” dagdag pa niya.

Sa loob ng 11 taon, nagkaroon ng hindi lamang isa, kundi tatlong negosyo ang mag-asawa: One Click Events (photo booth), One Prints (printing needs) at One Playzone, isang private event space para sa mga birthday parties at family gatherings.

Ngayon, masaya sila Eds at Odra dahil ang mga nabigyan nilang trabaho sa pamamagitan ng kanilang mga businesses ay nakapag pundar na ng kanilang mga bahay at may mga regular na trabaho na rin.

Ayon kay Eds, nabuo ang una nilang negosyo dahil lamang sa pagkabagot.

“Work here is from 9 to 5 pm, and that’s it. You can’t do overtime because your boss will send you home. So, I still have idle time. I don’t know if I should say that the business is a product of my boredom. It’s more like we were craving for something more because we didn’t have kids yet at that time,” kwento niya.

Kaya din daw nabuhos nila ang oras sa negosyo dahil limang taon pa bago sila nabiyayaan ng anak matapos nilang magpakasal sa Pilipinas.

Mula sa isang photo booth lang, mayroon na sila ngayong 10 photo booths. Marami din daw silang printing jobs at madalas din irekomenda ang kanilang events place.