Nilampaso ng isang US-based Pinoy ang mahigit 200 na manlalaro mula sa buong mundo at nagwagi sa World Open Chess U 2000 Tournament 2024 na ginanap ng limang araw kamakailan sa Philadelphia.
Inuwi ni Mario Rebano, na binansagang Philippine National Master dahil sa kanyang tanging galing sa paglalaro ng chess, ang titulong World Open U 2000 at cash prize na nagkakahalagang $12,000 (Php700,000).
Ngunit bago pa man nakatungtong sa kompetisyon, marami ring sakripisyong pinagdaanan si Mario, na kilala rin bilang survivor ng Super Typhoon Yolanda na tumama sa kanyang bayan sa Tacloban, Leyte.
Dahil walang suportang pinansyal mula kahit kanino, ginamit niya ang sariling ipon para matustusan ang kanyang training, pati registration, pamasahe at tirahan habang nasa kompetisyon. Nagsanla rin siya ng kanyang mga alahas para mabayaran ang lahat ng ito.
“Instead of focusing solely on my matches, I also had to worry about paying for registration, lodging, and transportation, which was very stressful,” ani Rebano, na naninirahan na ngayon sa New York City, sa isang panayam sa GMA Integrated News.
Nagbunga naman lahat ng kanyang paghihirap dahil sa kanyang pagkakapanalo. “This is my biggest world open title. It’s not easy to get this title. You have to dream, study, and work hard to achieve it,” dagdag pa niya. Naninirahan na ngayon si Mario sa New York City.