Pinay OFW sa Hong Kong na napawalang-sala sa pagnanakaw; may tips para iwas kaso sa amo

Isang Pinay domestic helper sa Hong Kong ay napawalang-sala sa pagnanakaw ng mga damit ng amo at nagbahagi ito ng mga tips na natutunan mula sa kanyang karanasan para makaiwas sa kaso ng amo.

Isang Pinay na domestic helper ang napawalang-sala nitong Disyembre 16 sa Hong Kong sa kasong pagnanakaw sa kanyang amo matapos ang sampung buwan na pagdinig sa korte.

Bukod sa ubod ng saya at ginhawa, may mga importanteng tip na ibinahagi si Sarah Bagasino sa kapwa OFWs na nagtatrabaho bilang kasambahay: Huwag ihalo ang mga bigay na damit at regalo ng amo sa kanilang mga gamit.

Natutunan niya rin mula sa kanyang karanasan na kung makatanggap man ng damit, mag-selfie na suot ang mga ito kasama ang among nagbigay.

Kinasuhan si Sarah ng kanyang among si Nicole Chan noong Pebrero 22 ng pagnanakaw ng mga damit at iba pang mga bagay matapos makita diumano ang mga ito na suot-suot niya sa mga larawang nakapost sa Facebook. Kalaunan diumano ay natagpuan ang mga ito sa kagamitan ni Sarah.

Ngunit nagpasya si Magistrate Lau Suk-han na hindi napatunayan ayon sa “standard required” ang mga paratang laban kay Sarah, ulat ng The Sun Hong Kong.

Habang may mga kuwestiyon anya ang mahistrado sa testimoniya ni Sarah, duda rin siya sa mga paratang ng kanyang employer.

Inacknowledge din ng mahistrado ang posibilidad na una nang ni-raise ng defense lawyer, na nagreklamo ang amo sa pulis bilang paghihiganti kay Bagasino dahil aniya hinawaan nito ang dalawang taong gulang na anak ng foot and mouth disease.

Sa kanyang testimonya, iginiit ni Sarah na ang mga damit at mga bagay na nakita sa kanyang kagamitan ay bigay mismo ng kanyang employer ng mga nakaraang buwan bago siya i-report ito sa pulis.

Sa paghain ng desisyon, sinabi naman ng mahistrado na sana ay kumuha ang kasambahay ng selfie na suot ang damit at sa harap ng kanyang employer.

Sa ngayon, plano ni Sarah maghanap ng bagong employer kung papayag anya ang kanyang asawa’t mga anak na nasa Biliran, Leyte.

Ibinahagi naman ang aral na natutunan niya sa kapwa OFWs na nakakatanggap ng mga ayuda mula sa kanilang mga employers: “Don’t keep them among your things.” Mainam na rin daw na sundin ang payo ng mahistrado na magselfie na suot ang damit at may approval ng amo.