Kapag present ang Filipino-Australian artist na si Michelle Angelique sa mga kasalan sa Australia, paniguradong memorable ito dahil kaya niyang palabasin sa kanyang mga obra ang emosyon at kwento ng mga bagong kasal.
Isang award-winning portraitist si Michelle, na nakatira sa Blue Mountains, New South Wales. BIlang isang live wedding painter, ipinapakita ni Michelle ang kanyang talent sa mismong araw ng kasal: sinismulan niya ang painting bago mag-umpisa ang wedding rites hanggan sa reception.
“I fell into it after a woman emailed me about this new trend in America called ‘live wedding painting,’” kwento ni Michelle kung paano niya pinasok ang wedding industry bilang artist sa panayam ng SBS Australia.
Dagdag pa niya, “She wanted me to do a live painting of her wedding in the Hunter Valley. She wanted a portrait with the giant tree with the field in the background, as well as their dog walking down the aisle.”
Sa araw ng kasal ng mga kliyente, dumarating si Michelle sa venue isang oras bago ang kasal para ipinta sa canvas ang backdrop. Idadagdag na lang niya ang bride at groom at pati mga bisita sa painting pag nagsidatingan na ang mga ito, ang pagpapaliwanag ni Michelle tungkol sa proseso ng kanyang art.
Bago maging isang full-time artist, nagtrabaho si Michelle sa mailroom at nagkaroon siya ng tendonitis—ang rason kung bakit nag-resign siya sa trabaho at nag-desisyon na mag-focus sa kanyang passion. “I was always drawn to people when it comes to creating art. If you drew someone during their special day or if you drew a loved one who has passed away…it’s sentimental and meaningful,” aniya. Isa rin sa mga paboritong gawa ni Michelle ay ang kanyang winning piece sa Epping Arts Fair na mayroong Australian at Filipino elements. Tinawag niya itong “Red Flags.”