Kung ikaw ay may planong pumunta sa magandang isla ng Siargao at ikaw ay isang dog at coffee lover, marahil magiging bet mo ang Isla Corgis Siargao, ang kauna-unahang corgi cafe sa Pilipinas.
Ang bida sa coffee shop na ito, na matatagpuan sa Jacking Horse, Catangnan, ay ang pitong corgi na ang pangalan ay hango sa pitong dwende na kasama ni Snow White: Cody (introvert na Corgi), Happy (pinakamalaki at mabigat), Sleepy (bunso at pinaka bibo), Grumpy (kwela), Bashy (ang prinsesa, malakas kumahol), Sneezy (tamad), at si Dopey ( ang survivor, pinakamaliit nang pinanganak).
Hindi makapaniwala ang fur parent na si Colleen Vidal, isang tourism entrepreneur, Airbnb host, at content creator, na nagbukas na ang kanyang pangarap na coffee shop. Si Colleen ay nagtapos ng kursong Accountancy sa De La Salle University noong 2016 at pumasa rin sa board exam ng parehong taon.
Napatunayan din niya na tama lang ang naging desisyon nila ng kanyang boyfriend na si Carl noon na huwag ibenta ang kanilang pitong corgi nang manganak ang kanyang aso na si Covy.
“I decided to keep all my seven Corgi puppies and now we’re about to open the first ever Corgi cafe in the Philippines,” sabi ni Colleen sa kanyang post sa official Facebook page ng Isla Corgis Siargao. Siya ay apat na taon nang naninirahan sa Siargao.
Nagbukas ang café nitong Nobyembre 30 at noong nasa planning stage pa lamang ito, balak talaga ni Colleen na ang mga corgi enthusiast at dog lover ang magiging suki nito.
“Aside from our corgis to be the main highlight of our corgi cafe, we also want to sell quality milk tea na sa totoo lang hindi pa masyadong accessible dito sa isla,” sabi niya.
“We want our cafe to be known as a pet-friendly spot where customers can bring their dogs…sometimes to hang out and chill,” dagdag pa ni Colleen na nakuha ang konsepto ng Corgi Cafe sa Bangkok, Thailand nang nagbakasyon siya noong nakaraang taon.
“We are [also] planning to partner with a non-profit organization in Siargao that focuses on rescues and feeding activities,” dagdag pa niya.
“They can’t wait to meet you all mga ninongs and ninangs! Pamasko namin ha?,” biro ni Colleen.