Kung ang ibang tao ay nagmumukmok sa isang sulok matapos makaranas ng heartbreak, naging praktikal naman ang atake ng emerging romcom princess na si Maris Racal noong nakaranas ng pagkabigo sa pag-ibig dahil pinagkakitaan pa niya ito.
Sa isang lumang interview para sa pelikulang “Marupok AF,” inamin ni Maris na talaga namang nakakalugmok ang breakup, pero naisip niyang kailangan niyang ma-regain ang kanyang power matapos masaktan ng todo.
“Naalala ko sobrang rupok ko at brokenhearted, nakagawa ng album. Pinagkakitaan ko yung mga ginawa sa akin kasi, hello kailangan ko ng pera. It’s me taking my power back. Sinaktan mo ako, I’m gonna write a song about you,” paglalahad niya.
Naka-recover din naman si Maris sa kanyang heartbreak at namayagpag ang showbiz career matapos ang ilang successful na pelikula at shows tulad ng “Can’t Buy Me Love.”
Sa kasamaang palad naman ay inamin niya na naghiwalay na sila ng singer-songwriter na si Rico Blanco may ilang linggo na ang nakalipas. Kahit na halatang broken ang dalaga ay nanatili itong positive. Umaasa din ang mga fans na makaka-recover din ito sa breakup.